Pasukan na naman! Heto na naman tayo! Recitations, exams, quizzes, case digests. Walang katapusang pag-aaral. Gabi-gabing overnight. Araw-araw na pagsusunog ng kilay at pati buhok malapit na rin sigurong madamay.
Para sa mga Freshmen, nangngahulugan ito ng panibagong simula. Excited kasi mabibigyan na naman tayo ng pagkakataon na muling maranasan ang maging isang estudyante. Bagong experience, bagong matututunan, bagong mga kaibigan at bagong environment. Idagdag mo pa ang pride ng pagiging isang law student. Siyempre kakabahan kasi may mga terror na teachers, mahihirap na exams at mga nakakakaba na oral recitations. Mag-iinvest ka ng oras, panahon, pera at feelings. Para kang papasok sa isang complicated na relasyon, dahil nangangailangan ito ng pagmamahal. Oo, dapat mahalin mo ang law school, parang relasyon lang yan, hindi kayo magtatagal kung walang pagmamahal. Ang pagmamahal ang magtutulak sa’yo na tiisin ang mga gabing kailangan mong magpuyat kasi may deadline ka na case digest o exam kinabukasan. Kaya mo ngang tiisin na itext yang syota mo ng buong magdamag, yang pag-aaral pa kaya?
Sa lawschool, kailangan matapang. Lalong-lalo na sa mga recitations. Lakasan lang ng loob yan. Isipin mo lang na nililigawan mo yong teacher. Hindi para maging jowa mo kundi para ipasa ka. Kailangan ma-impress ang babae, este, professor pala. Kailangan ma convince mo sila na nag-aral ka, at alam mo ang sagot sa bawat tanong nila. Bago ka pumasok, dapat ready ka. Mag-aral kang mabuti. Mag-memorise ka ng mga pick-up lines, este provisions pala. In that way, mapapahanga mo ang teacher. Maintain your confidence habang ginigisa ka ng buhay ng professor mo. Isipin mo na lang na may mga bagay na mas dapat mong katakutan, tulad ng erpat ng nililigawan mo. Pag hindi ka nakasagot sa oral recitations tatlong bagay lang naman ang pwedeng mangyayari sa’yo, una, pagagalitan ka, pangalawa, pa-uupuin ka at pangatlo, patatayuin ka for the whole period. Wag kang mag-alala, walang forever, makakaupo ka rin at the end of the period. Pero kapag hindi mo napahanga tatay ng nililigawan mo, nako, patay ang lovelife mo! Dito mo malalaman ang tunay na kahulugan ng walang forever!
Kung suswertehin ka may ibang mga subjects na walang oral recitations. Yung, uupo lang yung teacher at magdidiscuss. Sa mga ganitong pagkakataon kailangan mong matutunan ang “the art of listenning.” Sabi nga nila, “everybody can hear but not everybody can listen.” Kailangan mong makinig, kasi may mga lessons na hindi mo makikita sa mga libro kundi sa karansan ng mga professor mo lang. Sabi nga ulit nila, “experience is the best teacher.” Applicable din ito sa relationship, dapat marunong kang makinig sa mga hinanaing at pangangailangan ng partner mo. Lalong lalo na ng mga babae. Karamihan sa kanila, na-iinlove sa mga lalaking marunong makinig o paminsan-minsan ay nagpapanggap na nakikinig. Kaya nga tinawag na “art.”
Of course hindi kumpleto ang lawschool experience kung walang midterms and final exams. Parang relationship, boring kung wala ang mga pagsubok. Mahirap, nakakapagod, nakakastress at paminsan-minsan nakakawalang gana. Pero kailangan mong panindigan! Pinasok mo eh! Hindi yung basta ka na lang aalis dahil nahihirapan ka na sa sitwasyon. Sa mga exams mo malalaman at masusubukan kung may natutunan ka ba. Kung sulit ba ang mga gabing napuyat ka, o ang mga, birthday parties, fiestas, inuman, at barkada trips na isinakripisyo mo para lang makasama siya, este makapag-aral pala. At the end of the day, bagsak man o pasado, ang mahalaga ay yung ma-realise mo ang isang napakahalagang prinsipyo sa lawschool at ganun na din siguro sa pag-ibig, “learn from your mistakes.” Kung nagkamali ka sa isang item, pag-aralan mo uli at i-research mo ang answer ng sa ganun hindi mo na maulit ang iyong pagkakamali. Kung bumagsak ka man sa isang subject, eh di kunin mo ulit. Kasi kung talagang mahal mo ang isang tao o ang isang bagay, babalikan at babalikan mo ito, kahit gaano pa ito kasakit. Pero sa susunod ay dapat maging maingat ka. Huwag kang tatanga-tanga! Hindi lahat ng teachers sa lawschool nagbibigay ng removal exam. At hindi rin sa lahat ng pagkakataon mabibigyan ka ng second o third chance ng taong mahal mo. Extra rice nga nauubos pag-ibig pa kaya? May hangganan ang lahat ng bagay dito sa mundo kaya huwag mong abusuhin.
Isa pa, bawal mag cheat! Sabi nga ng teacher ko sa Persons and Family Relations, “Lawschool is a jealous lover.” Kapag sinaktan mo siya, sasaktan ka din niya ng isang malutong na singko! Kaya ingat ka! Kung nandaya ka man siguraduhin mong hindi ka mahuhuli. Pero sabi nga ng mga doktor, prevention is better than cure. Tandaan, walang matinong maidudulot ang pandaraya!
May mga pagkakataong manlalamig ka o mawawalan ka ng gana. May mga pagkakataong magdadalawang isip ka at magtatanong sa sarili mo kung ang pagiging abogado ba talaga ang nakatadhana para sa’yo. Meant to be kumbaga. Kung sulit ba ang mga librong pina-photocopy mo, ang mga sign pen at highlighter na inubos mo, ang mga kape at frappe na nilaklak mo sa mga coffeshop magising lang ang iyong katawang lupa, ang mga kaibigan na nawala kasama na rin siguro ang social life mo kasi puro ka na lang pag-aaral, at marami pang iba. May mga pagkakataon na pakiramdam mo ay naibigay mo na ang lahat pero kulang pa rin. Pero kailan nga ba naging madali ang magmahal? Este, law school pala.
Ang mga paghihirap, pagsubok at mga sakripisyo ang nagsisilbing mga panlasa natin sa buhay, dahil sa kanila nagiging kaaliw-aliw ang buhay law student. Daanan mo lang ang lahat ng mga ito at gawin mo ang lahat ng iyong makakaya para malampasan ang mga pagsubok na ito. Mahalin mo lang ang ginagawa mo. Sabi pa nga ng kanta, “Love will see us through!” Dapat ka ring maniwala sa sarili mo at sa Maykapal. Ang kahit na anong bagay na pingapala ng Maykapal ay tiyak na may mararating maghintay ka lang.
Pero iyong pakakatandaan na ang tunay na pagsubok ay ang Bar Exams! Dito mo malalaman kung may “happily ever after” ba ang iyong buhay law school. Ito ay nangangailangan ng ibayong paghahanda at determinasyon tulad ng pag-ibig. Ayon pa nga sa motto ng high school bestfriend ko na nakasulat pa sa slumbook niya, “Love when you’re ready not when you’re lonely.” Ganon din dapat. Take the bar when you’re ready not when you’re in a hurry. Walang mabuting maidudulot ang pagmamadali. Sabi pa nga ni Lola Nidora, “May tamang panahon para sa lahat ng bagay.”
Hindi madali ang buhay law student. Nakakatakot at wala pang kasiguraduhan kung magiging abogado ka ba o hindi. Marami nang sumubok pero iilan lang pinalad. Limang taon ang igugugol mo para lang maabot mo ang isang pangarap na mahirap abutin. Everything is a risk, ika nga. Tulad ng pag-ibig, ang pagiging abogado ay isang malaking sugal. Ipupusta mo ang pera, panahon at lahat ng attensyon mo. Pero paano mo malalaman kung hindi mo susubukan? At paano mo maabot kung hindi mo susubukang abutin? Life is short, ika nga. So don’t make it shorter. Plunge in and take the risk!
